And as for the lovely picture below, credit goes to Phantasmicbunny on her "Hot Gimmick" fanart.
__________________________________
Torpedo
“Tanga-a jud nimo Kaye uy,” sinabi ko sa aking sa sarili. Gusto kong iuntog ang ulo ko sa poste kaso baka isipin ng mga tao na nasisiraan na ako. Baka nga. Hay, naku.
Kulang na lang ay mag-iiyak ako sa kamalasan na nangyari ngayong araw. Biruin mo ba naman, nakalimutan ko ang assignment sa Philosophy, nadapa ako sa school atrium sa harap ng maraming tao dahil late na ako sa Math, tapos ngayon bumagsak pa ako sa long quiz sa calculus.
“Okay ra na, ‘ter,” kunswelo sa akin ni Terry, ang kabarkada kong katabi. “Makabawi pa lagi ka.”
Di ako umimik. Ang mata ko ay nakatutok kay James na ngayon ay natutulog nang mahimbing sa sulok ng klase. Tinutulog-tulugan niya lang ang calculus pero na-perfect niya pa ang quiz. Asa ang justice ana?!
Hindi lang matalino si James, campus crush pa siya. Ang forever dean’s lister. Ang silent and mysterious type. Ang lalaking pinagdududahan namin ni Terry na bakla kasi walang interes sa mga girls maski anong pagpapa-cute na ginagawa sa kanya sa campus. Mga kawawang nilalang.
Napatingin ako sa bintana nang may marinig akong kulog. Sana hindi umulan. Wala pa naman akong payong. Dali-dali kong kinolekta gamit pagkatapos ng klase pero ‘di pa ako nakakalabas ng classroom ay bumuhos na ang ulan. Napabuntong-hininga na lang ako habang inilawit ko ang aking kamay sa labas ng waiting shed. Hinayaan kong mabasa ng malalaking patak ng ulan ang aking palad. Ang lakas ng ulan. Pero parang ‘di pa yata nakontento ang kung sinong nagkukulam sa akin dahil bigla na lang may nakabangga sa akin sa likod. Buti na ‘di ako dumiretso sa putikan.
“Pagbantay pa gud!” naiinis kong nasambit sabay lingon sa likuran. Namatay sa lalamunan ko ang iba pang mura nang makita kong si James pala yun.
Inayos niya ang kanyang glasses at tinitigan ako ng masama. Parang ako pa yata ang mali. Antipatiko rin pala si Mr. Perfect. Wala yatang balak mag sorry.
Tinalikuran ko na lang siya. Sa halos mag-iisang taon naming pagiging classmates sa minors, ni isang salita ay wala kaming nabitawan sa isa’t-isa. Ayaw ko rin siya kausapin, baka kasi matameme lang ako sa kanyang pagka-genius.
“Wala kang payong, ano?” bigla niyang tinanong.
Napakurap na lang ako nang may bigla siyang ipinukol sa aking mga kamay. Itim na folding umbrella.
“Basahin mo,” ang dali-dali niyang sinabi bago siya sumugod sa ulanan.
Binuksan ko ang payong para habulin siya. Bakit niya binigay sa akin ang payong niya at nagkakaripas sa ulanan? At anong babasahin? Di kaya dapat libro ang kanyang ipahiram, hindi payong? Nakaka-ilang hakbang pa lang ako nang may pumigil sa aking boses.
“Pabayaan mo na yun,” wika sa akin ni Adrian, ang isa sa mga kakilala kong kabarkada ni James. “Hindi mo rin mahahabol yun. Umuwi ka na, Kaye.”
Napatingin na lang ako paibaba at sinundan ang isang maliit na papel na inaaanod ng tubig.
Kinabukasan, nag-aalinlangan akong lumapit sa kanya. “Adto na uy,” sambit ni Terry, sabay tulak agad sa akin sa direksyon ng kinauupuan ni James. “Ako gikapoy tan-aw sa imo. Di lagi to mamaak.”
Iniabot ko kay James ang kanyang payong at pinasalamatan siya ng tahimik. Wala man lang ka-reareaksyon. Tiningnan niya lang ako, parang may hinihintay.
“Nabasa mo?” bigla niyang tinanong nung aaksyon na akong babalik sa silya ko.
“Ang alin?”
Sumimangot siyang bigla. “Wala. Kalimutan mo na,” nayayamot niyang sabi bago ako talikuran.
Natatawang tinapik siya ni Adrian sa balikat. “Sabing lakihan mo pare, eh.”
Sa kalagitnaan ng calculus, ‘di ko mapigilang magduda na may nakatingin sa akin. Eksaktong pag tingala ko sa notebook ko, nagbangga ang mga mata namin ni James. Sinimangutan niya akong muli bago siya lumingon sa ibang direksyon. Ang sungit naman ng lalaking ito. Sarap upakan.
Bumuhos na naman nang malakas ang ulan pagkatapos ng klase. At katulad ng kahapon, nakalimutan ko na naman ang payong ko kaya ayun, stranded na naman ako.
“Wala ka pa rin bang payong?”
Hindi ko na kailangang lumingon para malaman na kay James ito nagmula. Hindi ako umimik. Iniabot niya ang kanyang payong sa akin.
Tinitigan ko lang ang payong. Kanina, ang sungit niya sa akin, ngayon, asal anghel naman siya. Menopausal siguro ‘tong taong ito.
“Kunin mo na sabi eh,” wari niya. “Mahirap nang mabasa sa ulan.”
Nag-aalinlangan kong kinuha ang payong.
Ngumiti siya sa akin. Sa ’di maipalwanag na dahilan, bigla akong nag palpitate. “Basahin mo,” bigla niyang inutos bago isinukob ang hood ng jacket niya at sumugod sa ulanan.
Napangiwi ako habang tinitingnan ko siyang umalis. Tinitigan ko ang payong. Niyugyog. Pinaikot. Binuksan ito at ineksamin. Ni isang design o letra wala. Itim lang talaga siya na payong.
Nang nagsisimula na akong magduda na inuuto lang ako, isang maliit na papel ang nakita kong nakasiksik sa wire ng payong. Aabutin ko na sana nang bigla itong tinangay ng malakas na hangin. Nahulog ito sa basang lupa. Dadamputin ko pa sana nang may napadaan at naapakan ang papel. Kung ano man ang laman nun, hindi na siya mabasa dahil natabunan na ng tubig at putik.
Oops. Patay.
“Sorry sa kodigo mo kahapon,” mahina kong sinabi pagbalik ko ng payong kay James kinabukasan.
Napatingin sa akin ng matalim si James. “At bakit naman ako magbibigay ng kodigo sa ‘yo?”
Gusto kong umatras. Nakakatakot ang aura na nanggagaling kay James ngayon lang. “Um, ano, n-nahulog kasi sa putik…” nauutal kong ipinaliwanag. “Pero sa laki nung papel para kasi siyang kodigo…Ano pala yun?”
“Wala yun,” sabi niya sa tono na parang asar. “’Di mo na kailangang malaman.”
Sa tabi niya, napahalakhak si Adrian at tinapik ang kanyang balikat na parang pakunswelo. “Give up ka na ba? Ikaw kasi, napakator--”
Hindi na natapos ni Adrian ang kanyang dinadakdak. Bigla siyang tinapunan sa mukha ni James ng hard bound na History book na naging sanhi ng kanyang sandaling pagkawala ng ulirat.
Tumunog ang bell. Kakatapos lamang ng klase.
“Oi, Kaye.” Bigla akong napalingon at nakitang papalakad sa akin si Adrian. May dinukot siya sa kanyang backpack. “Pinabibigay ni James,” wika niya sabay pakita ng itim na payong. Napansin ko agad ang maliit na card na nakatali sa may handle nito.
Lumingon ako sa mga bintana. “Pero wala namang ulan.”
Nagkibit-balikat si Adrian. “Malay ko ba dun. Nautusan lang ako.” Bigla siyang ngumiti, para bang may nalalamang scandal. “Pero di ba gusto mong malaman kung anong gusto niyang ipabasa sa ‘yo?” Itinuro niya ang maliit na card. “Eto na ang pagkakataon mo.”
Tinaasan ko siya ng kilay pero kinuha ko pa rin ang payong. Pagbasa na pagbasa ko pa lang ng card, biglang sumurot ang dugo ko.
Naabutan ko si James sa may shed, mag-isang nagkakalkal ng bag niya.
“Anong ibig sabihin nito?!” galit kong sinambit pag dating ko sa harapan niya. Kasing kulimlim ng kalangitan ang aking mukha.
Napatingin siya sa akin. “Ikaw pala ang kumuha ng payong ko. Akala ko si Adrian.”
Mas lalo akong nairita. Hinalbot ko ang card sa payong at iwinagayway sa mukha niya. “Bastos ka talaga!” Gusto ko siyang ihulog sa bangin o ipakain sa mga piranha. “Ang kapal mo! Manyaaak!”
Sumimangot siya. “Ano bang problema mo?” May gana pa siyang umarte ng inosente. “Nahihibang ka na ba? At ano ‘to?” Kinuha niya ang card at binasa ito ng malakas.
“Let‘s have sex, baby. I know you want to.
Love, James.”
Love, James.”
Nanlaki ang kanyang mga mata. Sa hitsura, mas mapula pa siya sa kamatis.
“ANAK NG TOKWA! ADRIAN, GUNGGONG KA TALAGA!” sinigaw niyang bigla. Sa lakas ng boses niya, nagliparan ang mga ibon sa kalapit na puno. Sinundan niya pa ito ng iba pang mura para sa kanyang kaibigan. Nilamukos niya ang card.
Natigilan ako. “H-hindi ikaw nagsulat nun?” Ngayon ko lang siya narinig magmura .
Hindi niya ako matingnan ng diretso. “Hindi,” halos pabulong niyang sagot. “Hindi ko ‘yan handwriting.” Napansin kong biglang namamalat ang boses niya. Isinuot niya ang kanyang cap para maitago ang kanyang mga mata. “Isa pa…bakit ba ako magsusulat ng ganun ni hindi ko nga masabi harap-harapan na gusto kita?”
Hindi ako makapaniwala. Halos umabot sa lupa ang baba ko sa gulat.
Napabuntong-hininga siya at binigyan ako ng pilit na ngiti. “Kalimutan mo na ‘to. Sorry talaga sa istorbo.” Inayos niya ang kanyang backpack. “Sige, Kaye.”
Nagsimula nang umambon. Binuksan ko ang payong at hinabol si James. Isinilong ko siya. Hindi maitago ang gulat sa kanyang mukha. Mas gwapo pa pala siya pag namumula.
Hindi ko mapigilang ngumiti. “Ang taas ng IQ mo pero ang baba naman ng EQ.”
Tuluyan nang bumuhos ang ulan pero hindi ko na ito inalintana.
“Mahirap nang mabasa sa ulan,” sinabihan ko siya.
Isang matamis na ngiti ang dahan-dahang dumapo sa kanyang labi.